Tuesday, August 6, 2013

Maria Cristina Falls




Ang Sirena sa Maria Cristina Falls

Nasa elementarya pa lamang ako sa Antique nang una kong marinig ang tungkol sa Maria Cristina Falls at makita ang larawan nito sa aming tekstbuk sa Social Studies. Alam kong nasa Mindanao ito kung saan nanggaling ang aking Nanay. Siyempre, hindi ko pa alam noon na ang lawak-lawak ng Mindanao. Hindi ko pa alam noon na ang talon o busay na ito ay nasa Lungsod Iligan na malayo sa Davao del Sur kung saan nanggaling ang aking ina.

Naging fellow ako sa 2nd Iligan National Writers Workshop noong 1995. May sesyon kami sa National Power Corporation (NPC) at nakita namin ang top view ng Maria Cristina Falls at hindi ang itsura nito sa mga libro. Noong tag-araw ng 2011 ako naimbitahang maging panelist, 16 na taon mula na naging fellow ako. Hindi ko man lamang naisip na bisitahin itong sikat na busay. Naimbitahan muli ako noong 2012 at nitong 2013. Nitong taon ko lamang naisip na tingnan ang Maria Cristina Falls. Nang matapos ang Iligan Workshop noong Mayo, nagpaiwan ako ng isang araw sa Lungsod Iligan upang magkaroon ng panahon na makita ito.

Sinamahan ako ng dalawang kagagradweyt lamang na mga estudyante ng MSU-IIT, sina Castelyn at Mint. Pareho silang English major (kung kaya naging tiser nila ang dalawang kaibigang manunulat ko room na sina Christine Ortega at Tibo Fernandez) at handang-handa nang magturo sa pagbubukas ng klase nitong Hunyo.

Alas-nuwebe ng umaga nang sunduin nila ako sa Guest House ng kanilang unibersidad. Sumakay kami ng dyip mula IIT tungong sentro ng lungsod malapit sa plaza. Doon ay may pumupila na mga dyip papunta ng Buru-an palabas ng Iligan at dadaan ng Maria Cristina. Mga kalahating oras lang ng biyahe habang nakikinig sa mga masaya, at kadalasang may pagkabastos, na mga awiting Sebwano na paborito yata ng drayber. Pagkakataon ito para sa akin na hasain ko ang aking trying hard na Sebwano.
Papasok sa geyt ng NPC Nature's Park, maglalakad paakyat sa isang malawak na simentadong kalsada sa tabi ng napakagandang ilog na malakas ang agos ng malinis na malinis na tubig. Ang tubig na ito ay mula sa talon. Ang kalsada ito ay naliliman din ng matataas at malalabay na punongkahoy. Sa pagdaan namin dito, mistulang binalot ng kakaibang katahimikan ang aking kalooban.

Maayos ang sistema ng pamamasyal doon. Tig-Php35 lamang ang entrance fee para sa mga adult. Php25 naman para sa mga bata. Ang shuttle ride, dahil medyo malayo ang papasok upang makita ang busay ay Php10.

Habang pinapanood ko ang ganda ng Maria Cristina Falls at naliligo sa malakas ngunit malambing na lagaslas ng tubig, naiisip ko ang isang alamat tungkol dito. May dalawang magkapatid na babaeng nakatira malapit sa busay. Bantog ang kanilang kagandahan. Marami silang manliligaw. May isang raha na nagkagusto sa kanila nang sabay at sabay din nilang nagustuhan. Subalit ayaw nilang maging magkaribal dahil mahal nila ang isa't isa. Kung kaya naisip ni Maria na patayin na lamang ang sarili. Tumalon siya sa rumaragasang tubig ng busay. Nang malaman ito ni Cristina, tumalon din siya upang wakasan ang sariling buhay. Labis na nagluksa ang raha kung kaya inilibing niya roon ang magkapatid na babaeng iniibig at pinangalanan niya ang busay na Maria Cristina.

Sa isip ko, talong-talo yata ang dalawang bidang babae. Kunsabagay, marami sa mga alamat ay palaging namamatay ang bidang babae.

Nang umagang iyon, hindi gaano karami ang nagbibisita kay Maria Cristina. May maliit na restawran doon kung saan kami kumain ng ice cream habang pinagmamasdan ang busay. Medyo nakakaistorbo lamang ng paningin ang malaking gusali roon ng hydroelectric power plant. Eye sore kumbaga. Pero naisip ko rin, malaking tulong din naman sa pagkakaroon ng kuryente sa bahaging iyon ng Mindanao ng plantang ito. Kahit na nang tag-araw ding iyon ay may rotational brown-out sa Mindanao kasama na ang Iligan.

May sirena ba sa Maria Cristina Falls? Malamang mayroon. Isang sirena itong naniniwala sa siyensiya tulad ng hydroelectric power plant. Subalit naniniwala rin ito sa pangangalaga ng kalikasan kung kaya makapal pa rin ang  kagubatan doon at malinis ang tubig at ilog.  Ito ang patunay na maaari namang magsabay ang paggamit sa likas-yaman at ang pangangalaga sa kapaligiran.  [J. I. E. Teodoro / www.lakbaysirena.blogspot.com]

Sa Loob ng Palitan, Lungsod Marawi


Mindanao State University, Lungsod Marawi